Sabado, Oktubre 14, 2017

KABATAAN: Pagpapahalaga sa Pag-aaral



           Bilang batang mag-aaral ay may pananagutan tayo sa ating sarili, sa  ating mga magulang,  sa ating kapwa lalo na sa ating inang bayan. Pananagutan na  makapagtapos tayo sa ating pag-aaral para sa ating sarili nang sa gayon ay matupad natin ang ating mga pangarap at  gumanda ang ating buhay. Para makamit natin ang tagumpay ay kailangan nating magsumikap, magtiyaga at mag-aral na mabuti. Ito lang ang maibibigay sa atin ng ating mga magulang na magiging kaakibat natin para makamit natin ang  ating mga  pangarap. Kung sakaling sila ay bawiin na ng Maykapal ay alam nating sila ay panatag, dahil alam nila na naihanda na nila tayo sa pagharap sa mga hamon ng buhay.


Ano ang pagkakaiba ng mga kabataan sa larawan?

          Maaari tayong maging mapalad sa ating buhay  kung ating nanaisin, patuloy lamang tayong tumahak sa tamang landasin. Iwasan ang bisyo, lakwatsa at paggawa ng mga bagay na hindi tama, lalo na tayong mga bata. Ituon natin ang ating kaisipan sa magandang bagay. Halimbawa ay sumali tayo sa programa ng pamahalaan para sa kabataan na naghihikayat para tayo mapabuti. Tulad nga ng sabi sa atin ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal ay tayo daw mga kabataan ang pag-asa ng ating bayan. Ngunit sa tingin ko ay hindi na yata kaya ng ating ilan kabataan ang sinabi ng ating bayani, dahil ilan sa ating kabataan sa ngayon ay hindi na nag-aaral at nalululong pa sa mga masasamang bisyo, at mga gawaing  hindi tama. 



Ang masakit na parte ng pagiging OFW ay ang” Paghihiwalay”

          Ilan sa ating magulang ay hirap ng makapagpatapos ng anak sa pag-aaral, sa kadahilanang hindi na halos matugunan ng ilan magulang ang mga pangangailangan dahil na din sa kawalan ng sapat na pera at ikabubuhay. Nariyan pa at nadagdagan ng 2 taon ang pag-aaral  sa sekondarya, ay hindi na malaman ng ating magulang kung papano pa nila igagapang ang pag-aaral ng kanilang mga anak. Kaya ang ilang  kasapi ng pamilya ay nagsasakripisyo at ninanais na mangibang bansa at mawalay sa pamilya para lang kumita ng mas  malaking pera. Para matugunan lang nila ang pang araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga mahal sa buhay.



BUWIS BUHAY: Mga batang umaakyat sa bundok at tumatawid sa ilog para lang makapasok sa paaralan.
“Kaya mo rin bang umakyat ng bundok para lang sa iyong pag-aaral, tulad nila?

          Kaya tayong  mga kabataan, Huwag nating sayangin ang pagkakataon na makapag-aral, sikapin nating mapaunlad at makapagtapos ng pag-aaral dahil ito lamang ang makapagbibigay sa atin ng kaginhawahan sa ating buhay. Maswerte na ang ilan kabataan na patuloy pa din nakakapag-aral dahil may pag-asa silang matupad ang kani-kanilang mga pangarap sa pagdating ng panahon. At isa na ako sa ilang masuswerteng mga kabataan na patuloy na nag-aaral para matupad ang minimithing pangarap. Maswerte ako at mayroon akong mga magulang na patuloy  na gumagabay at nagsasakripisyo araw-araw. Sa aking lolo’t lola na patuloy na sumusuporta sa aking pag-aaral. Kaya bilang ganti ay nagsisikap ako at nagdarasal na sa awa ng Diyos ay pipilitin kong makatapos sa aking pag-aaral. At aking itong iaalay sa mga taong laging naririyan para sa aking ikatatagumpay.


“Ang  pinapangarap nating tagumpay”


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento